69

Sep 22, 2021 @ 18:05
By

Kamara hindi nakikipag-away sa Senado sa isyu ng Pharmally

Hindi umano layunin ng Kamara de Representantes na makipag-away sa Senado sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng pagbili ng gobyerno ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Ayon kay Deputy Speaker at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, ang nais lamang ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay malaman ang totoo kaugnay ng pagbili ng bilyong halaga ng medical supplies ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally.

Sinabi ni Marcoleta na mayroong pagkakaiba ang imbestigasyon ng Kamara at Senado.

“Sa amin naman ang kaibahan ‘yong pagbibigay namin sa kanila ng kaukulang panahon para maipaliwanag nila ‘yong inaakala ng marami na ma-anomalyang pangyayari una sa pagkaka-transfer ng pondo ng DOH sa PS-DBM,” sabi ni Marcoleta.

Mayroon umanong mga resource person na inimbita ng Senado pero hindi pinagbibigyan na makapagpaliwanag ng mabuti.

Itinanggi tin ni Marcoleta na ang imbestigasyon ng Kamara ay ginagawa para ipagtanggol si Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng Gabinete nito na iniuugnay sa kontrobersya.

“Ang aming ginagawa ay pantulong lamang para malaman natin talaga kung ano ang totoo, maserbisyuhan natin ang ating taumbayan na makaunawa talaga sapagkat sila man ay interesado sapagkat pera ng bayan ang pinag-uusapan,” dagdag pa ng solon.

Kung mayroon man umanong mapapatunayang anomalya, sinabi ni Marcoleta na ito ay ibibigay sa National Prosecution Service o National Bureau of Investigation (NBI) na parehong nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ).

“Sila naman ang may kakayahan na ipagpatuloy ang ganitong klaseng pag-uusig kung mayroong anomalya,” punto ni Marcoleta. “Hindi prosecutorial office ang alinmang kapulungan ng Kongreso.”

Sinabi rin ni Marcoleta na maaaring huli na ang isasagawang pagdinig ng komite sa Biyernes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?