37

Oct 6, 2021 @ 18:11
By

Kamara ‘di padadala sa testimonya ni Mago

Hindi umano basta na lamang tatanggapin bilang katotohanan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang mga sinabi ng Pharmally Pharmaceutical Executive na si Krizle Grace Mago.

Ayon sa chairman ng komite na si DIWA Rep. Michael Aglipay, masusing pag-aaralan ang mga sinabi ni Mago na dapat ay tumugma sa iba pang ebidensya.

“Hindi naman tayo bobong pinanganak kahapon na kung ano yung sinabi nya yun na yung papaniwalaan natin. Syempre we have to take it with a grain of salt. Kailangan natin analyze word for word yung statement nya, babasahin ko anim na beses at lalabas din yung katotohanan dun sa pag i-corroborate mo yan dun sa iba ibang dokumento at iba ibang statement, lalabas din yung katotohanan,” sabi ni Aglipay.

Nakuwestyon ang kredibilidad ni Mago matapos nitong bawiin ang kanyang naunang pahayag sa Senate Blue Ribbon committee.

Tiniyak naman ni Aglipay sa publiko na ang kanyang komite ay magiging patas, balanse at legal.

“Hindi ho tayo magpapadala sa emosyon, sa kabila ho kasi (Senate) medyo nagiging emosyonal sila lahat dun dito ho mahinahon at ibabase natin sa law dahil lahat ho sa Constitution accorded the right of due process,” dagdag pa ni Aglipay.

Ang komite ay mayroon umanong 60 araw para tapusin ang ulat nito sa isinagawang pagdinig.

“‘Yung committee report ho ilalagay namin ‘yung statement of facts, ‘yung mga arguments, ‘yung mga basis sa law, conclusions and recommendation. Alam nyo very serious itong topic na ito dahil inaantabayanan ng mga mamamayan natin kung meron bang violation o merong nandaya sa gobyerno,” sabi pa ni Aglipay.

Batay umano sa mga ebidensya at testimonya ay malinaw na hindi overprice ang biniling medical supplies ng gobyerno sa Pharmally.

“Concluded ko na po na walang overpriced dahil maraming nagsalita including Senator Richard Gordon on the opening statement of the seventh hearing of the Senate Blue Ribbon sabi niya, ‘payag na ako Mr. President na walang overpriced pero may fraud and abuse,’” wika pa ng solon.

Nilinaw naman ni Aglipay na hindi nangangahulugan na lusot na ang mga ahensya ng gobyerno dahil mayroon pa umanong ibang alegasyon gaya ng umano’y sabwatan sa pagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at mga opisyal ng Pharmally.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?