27

Aug 22, 2021 @ 12:45
By

Kamara balik sesyon bukas, budget prayoridad maipasa

Matapos ang dalawang linggong suspensyon dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, muling magbubukas ang sesyon ng plenaryo ng Kamara de Representantes bukas, Agosto 23.

Ayon kay Speaker Lord Allan Jay Velasco tatalakayin ng Kamara ang mga panukala at resolusyon upang makabawi sa nawalang oras dahil sa ipinatupad na suspensyon.

Inaantabayanan na rin ng Kamara ang pagsusumite ng Executive department ng National Expenditure Program (NEP) na naglalaman ng panukalang P5.024 trilyong budget para sa 2022.

Sinabi ni Velasco na agad na tatalakayin ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang panukalang budget.

“We are ready to carry out our constitutional duty of carefully scrutinizing the NEP and eventually pass a national budget that is truly reflective and responsive to the needs of Filipinos as COVID-19 continues to wreak havoc on people’s lives and the economy,” dagdag pa ni Velasco.

Ayon naman kay House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez prayoridad ng Kamara ang pagpasa ng 2022 budget na naglalaman ng mga proyekto at programa para labanan ang COVID-19.

“This is a call of duty and we are committed to respond to President Rodrigo Duterte’s request to approve next year’s budget to defeat COVID-19, help Filipinos living below poverty line, protect people in the frontline, and map out other contingency measures,” sabi ni Romualdez.

Sa inilabas na memorandum ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang sesyon ng plenaryo ay magsisimula ng alas-2 ng hapon at pipiliting matapos ng 5 ng hapon.

Tanging ang Speaker o sinuman sa kanyang deputy speaker na aatasan upang mangasiwa sa sesyon, ang Majority Leader at Minority Leader o kanilang kinatawan at limitadong tauhan ng Secretariat ang papayagang pumasok sa plenaryo.

Ang iba pang miyembro ng Kamara ay pinadadalo sa sesyon sa pamamagitan ng videoconference.

Noong Agosto 2, nagdesisyon ang liderato ng Kamara na suspendihin ang sesyon ng plenaryo matapos ipatupad ang ECQ sa National Capital Region mula Agosto 6-20.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,