64
spy-on-the-job-rey-marfil
Dec 18, 2017 @ 10:32

Kalma lang at maghanda

By Rey Marfil

Sa wakas, nagkaroon ng kaliwanagan at kahinahunan sa isyu ng Dengvaxia nang dumalo sa pagdinig ng Senado si dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para ipaliwanag ang dahilan kung bakit pina­yagan ng kaniyang administrasyon na gamitin ang naturang gamot na pangontra sa nakamamatay na dengue virus na dala ng mga hinayupak na lamok.

Mula kasi nang ianunsiyo ng Sanofi ang tungkol sa kanilang babala na may masamang epekto ang kanilang gamot na Dengvaxia sa mga matuturukan na hindi pa nagkaka-dengue, tila walang nais makinig o walang nais na umunawa sa sumunod nilang paliwa­nag na hindi ‘kamatayan’ ang kahulugan ng ‘severe dengue’ na kanilang sinabi.

Sa halip, mga sintomas ng sakit na dengue rin ang maaaring lumitaw sa mga nabakuna­han ng Dengvaxia at muling nagka-dengue gaya ng pasa, nagdurugo ang ilong at pagbaba ng platelate counts.

Pero malamang na hindi masaya mga tsong ang mga kritiko ng dating admi­nistrasyon nang makita nilang dumalo at malinaw na naipaliwanag ni PNoy ang kaniyang sarili, at ang desisyon ng kaniyang liderato na aprubahan ang paggamit ng Dengvaxia.

Kahit sa mga reaksiyon sa social media, kapansin-pansin na marami ang pumuri sa ginawa ng dating pangulo. Hindi raw kasi katulad ng ibang opisyal, dumating si Noynoy sa Senado nang hindi naka-wheelchair at hindi nagdahilan na may sakit.

Iba talaga kapag walang itinatago at malinis ang konsensiya. Kasama pa nga niyang dumalo sa pagdinig ang mga dati niyang opisyal na sina dating Executive Secretary Jojo Ochoa at dating Budget Secretary Butch Abad. Aba’y nasaan na ang mga haka-haka at mga tamang hinala na may indikasyon daw ng ‘conspiracy’ sa pagbili ng mga gamot na nagkakahalaga ng mahigit P3 bilyon?

Malinaw ang paliwanag ni PNoy na pinayagan niya ang pagbili ng Dengvaxia dahil ito ang lumalabas na ta­nging gamot na maaa­ring pumigil sa duma­daming Pinoy nagkakaroon at namamatay sa dengue.

Batay sa ibi­nigay na datos sa kaniya noon, lubhang lumobo ang kaso ng dengue noong 2015 lalo na sa Metro Manila, CALABARZON at Central Luzon. At dahil wala namang nagsabi sa kaniya ng kontra sa paggamit ng Dengvaxia, at may pagkukunan naman ng pondo para ito bilhin, bakit nga naman niya hindi papayagan?

Bukod diyan, bago ang Pilipinas, nauna na sa atin ang mas mala­laking bansa na Brazil at Mexico na nag-apruba sa paggamit ng Dengvaxia. At ngayon, 19 na bansa na ang nag-apruba sa naturang gamot at ibinenta rin ito sa Singapore, Indonesia, Thailand, Paraguay, Peru, Costa Rica, El Salvador at Guatemala.

Ang tanong marahil ng ating kurimaw, ‘bakit tayo lang yata sa Pilipinas ang nagpa-panic?’
Batay sa datos ng DOH mga ‘tol, uma­bot sa 121,580 ang kaso ng dengue noong 2014, at lumobo ito sa 200,415 kaso noong 2015. Noong 2016 nang ipatupad ang dengue vaccination program gamit ang Dengvaxia, ang kaso ng dengue ng mula January 1 hanggang July 1 ay 69,297 na. At pagkaraan nito na mula January 1 hanggang July 1, 2017, bumaba ito sa 43,773 kaso kumpara sa kaparehong panahon noong 2016. Bagaman pababa ang bilang ng nagkaka-dengue ngayong 2017 sa buong bansa, napansin ng Dengue Disease Surveillance Report na tumaas ng 27.7 percent ang mga nagkaka-dengue sa Metro Manila.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang DOH kung may kinalaman ba ang Dengvaxia sa pagbaba ng bilang ng dengue cases. Baka naman kasi dahil ito sa klima o iba pang anti-dengue campaign tulad ng pausok. Pero bakit naman tumataas pa rin sa NCR?

Ang mahalaga, sabi nga ni PNoy maging mahinahon at huwag lumikha ng mga bagay-bagay na magpapalala sa sitwasyon. Mas maganda na nga naman na sa halip na matakot, ihanda ang programa at mga kailangang hakbang para mabilis na matutulungan ang mga bata at kanilang mga magulang sa gastusin kung sakaling kailanganin sa hinaharap. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?