32
npa
Feb 5, 2018 @ 19:49
By

Kaligtasan ng gov’t panel laban sa NPA, tiniyak

Hindi hahayaan ng gobyerno na mahulog sa kamay ng kilusang komunista ang mga negosyador ng gobyerno bilang ganti sa pag-aresto ng mga otoridad sa consultant ng National Democratic Front (NDF) na si Rafael Baylosis.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nakahanda ang mga puwersa ng gobyerno para tiyakin ang kaligtasan ng mga miyembro ng government panel na pinagbantaang dudukutin ng New People’s Army.

Pinuna rin ni Roque si Congressman Ariel Casilao na tila aniya umaaktong tagapagsalita ng NPA dahil alam nito kung ano ang plano ng kilusang komunista.

Iginiit ng kalihim na legal ang ginawang pag-aresto kay Baylosis kaya’t hayaan aniyang umusad ang legal na proseso sa kaso nito.

Ipinaalala ni Roque na hindi combatants ang mga negosyador ng gobyerno at kapag dinukot ang mga ito ay malinaw na paglabag ito sa International Humanitarian Law.

“Curiously, it appears that Congressman Casilao appears to be privy to information from inside the New People’s Army. And to me, he sounded like he was speaking on behalf of the NPA with his warning, that government negotiators may also be arrested by the NPA – that will be crime; that would be kidnapping, if not, a violation also of the IHL because combatants will be apprehending innocent civilians,” ani Roque.

Muling nanawagan ang kalihim sa mga rebeldeng NPA na sumuko na kasama ang kanilang mga armas at magbalik-loob sa pamahalaan.

Matatandaang nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng trabaho at pabahay ang mga rebeldeng magbabalik-loob sa gobyerno at tatalikuran ang mga ginagawa sa kabundukan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?