18

Sep 2, 2019 @ 19:43
By

Kalei, F2 Cargo Movers, iba pa panauhin sa PSA Forum

Bigatin ang mga panauhin sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum Martes sa Amelie Hotel-Manila.

Una ang newly-crowned Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference champions F2 Logistics Cargo Movers kung saan ibabahagi nila ang kanilang pinagdaanan bago maiuwi ang korona.

Inaasahang dadalo sina volleyball stars Kim Fajardo, Dawn Macandili, Alex Cabanos at MVP Kalei Mau sa session na magsisimula alas-10 ng umaga handog ng San Miguel Corporation, Braska Restaurant, Amelie Hotel at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)

Bibida rin sa weekly sports forum ang pagsisimula ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 82 basketball tournament ngayong Miyerkoles sa pangunguna nina executive director Rebo Saguisag at basketball commissioner Jensen Ilagan.

Eeksena rin sa session si Manny Pacquiao (MP) Promotions President Sean Gibbons na tatalakayin ang all-Filipino world title fight sa pagitan ni Samuel Salva at Pedro Taduran para sa bakanteng International Boxing Federation (IBF) minimumweight championship sa darating na Sept. 7 sa Taguig City.

Mapapanood via livestream ng PSA Facebook page ang forum at may delayed airing rin sa Radyo Pilipinas 2 mula 1-2pm.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?