magdalo-gary-alejano
By

Kalayaan sa ilalim ng administrasyong Duterte

Sharing is caring!

Ika-120 taon na ngayon mula nang itaas ang bandila ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Ito ang naging hudyat ng pagtatapos ng mahigit tatlong siglo na pananakop ng Espanya. Ngayon, matapos ang 120 na taon, tila muling nanganganib ang ating kalayaan sa kamay ng isa na naman banyagang pwersa.

Hindi biro ang pinagdaanan ng mga Pilipino sa pangunguna ng mga bayaning tulad ni Gat Andres Bonifacio lumaban sa pang-aapi ng mga Kastila. Ito ay sa kabila ng kulang at mahinang kakayahan. Nagbuwis ng buhay ang ating mga ninuno makamit lang ang minimithing kalayaan na tinatamasa natin hanggang sa ngayon.

Dugo, pawis, at mismong buhay ng ating mga ninuno ang inalay nila para makamit ang minimithing kalayaan mula sa mga mapang-aping dayuhan. Nugnit, ngayon nakikita natin kung papaanong tila unti-unti tayong sinasakop ng China. Ang mas masaklap pa ay tila may basbas ng administrasyong Duterte ang mga ginagawang ito ng China sa kabila ng kanilang sinumpaang tungkulin na ipaglaban ang ating soberanya at ipagtatanggol ang integridad ng ating teritoryo.

Hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng aksyon ng administrasyong Duterte sa isyu para ipaglaban ang ating karapatan sa ating mga teritoryo. Ang direktang bunga nito ay mga Pilipinong mangingisda natin ang pinipigilang mangisda sa sarili nating karagatan. Ang Coast Guard ng China ay umaaktong mga pirata na kinukuha ang mga huling isda ng ating mga kababayan nang walang paalam.

Tama ang sabi ng isang mangingisda na biktima ng Chinese Coast Guard na ang liit ng tingin ng mga Chinese sa kanila. Paano naman hindi magiging ganito ang sitwasyon kung ang inaasahan nilang lider na magtatanggol sa kanila ay tahimik sa mga pang-aabuso ng China sa mga Pilipino. Kung magsalita man ay pawang pagsisinungaling at pagmamaliit lamang sa kakayanan natin na ipagtanggol ang bansa ang ating naririnig.

Isang kahihiyan ang ginagawang pagbenta ng ating mga teritoryo at soberanya ng mismong mga lider ng bansa. Habang ang mga ninuno natin ay buong tapang na ipinaglaban ang ating bansa at karapatang maging malaya, ang mga kasalukuyang lider naman natin na iniluklok sa kapangyarihan ang siyang nagbebenta pa ng ating bansa.

Nawa’y alalahanin natin ang mga naging sakripsyo ng ating mga ninuno na hindi hinayaang magpaalipin ang mga Pilipino sa mga dayuhang mananakop. Sa kabila ng mga kakulangan, hindi basta-basta sumuko ang ating mga bayani. Sa abot ng kanilang makakaya, ipinaglaban nila ang kanilang mga karapatan at kalayaan ng bansa. Ito sana ang dalhin sa isip at puso ng bawat isa sa atin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?