119
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
By

Kalayaan ang ipinaglaban noon, GINHAWA ang ipinaglalaban ngayon

Sharing is caring!

IPINAGDIRIWANG natin ang ika-120 taon ng “Araw ng Kalayaan” ng Pilpinas at pangunahing bahagi ng mga seremonya sa iba’t-ibang lugar ay ang flag-raising ceremony at pag-aalay ng bulakak sa mga bantayog ng mga bayani.

Tinubos ng dugo at buhay ng ating mga bayani ang ating kalayaan na iginapos ng mga dayuhan sa mahabang panahon.

Ang katapangan nina Emilio Aguinaldo, Andres Bonifacio, Jose Rizal, Apolinario Mabini, at ang iba pang walang mga pangalan na nabuwal sa rebolusyon para sa kalayaan ay tunay na kahanga-hanga.

Sa ating pananaw, hindi nasayang ang kanilang kabayanihan dahil ang mga sumunod na henerasyon hanggang sa kasakuluyan ay patuloy na isinasabuhay ang kanilang pagmamahal sa bayan sa iba’t-ibang paraan at larangan.

Isandaan at dalawampung taon matapos makamtan ng Pilipinas ang kasarinlan, patuloy pa rin ang mga Pilipino sa pakikibaka.

Hindi pa tapos ang laban. Hindi na dayuhan ang kalaban ngayon; hindi na itak, sibat o baril ang sandata.

Ang ipinaglalaban natin ngayon ay GINHAWA NG BAYAN. Ang ating armas ngayon ay talino, sipag, dedikasyon, at pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang ating kapwa Pilipino.

Ang ating layunin sa laban na ito ay magkaroon ng maunlad at masaganang ekonomiya na makakamtan sa pamamagitan ng modernong imprastraktura, mabilis at maayos na transportasyon, malinis at matapat na pamahalaan mula sa nasyunal hanggang sa barangay, at payapang lipunan.

Ang maunlad na pambansang kabuhayan ay magbubunga at magbibigay ng disenteng tahanan sa bawat pamilyang Pilipino, may kalidad na edukasyon sa kabataan, at kalusugan sa lahat.

Tulad ng ating mga bayani, magkaisa tayo para sa hangarin na ito. Sama-sama nating ipaglaban ang maganda, maaliwalas, at matiwasay na buhay.

Wala tayong alinlangan na magtatagumpay tayo dahil nasa dugo natin ang dugo ng isang bayaning Pilipino.

Ang pangalan at buhay ng ating mga bayani ay hindi na lang mananatili sa mga pahina ng aklat ng kasaysayan kundi mananahan sa ating mga puso at isipan.

Hindi lamang sa saludo at bulaklak sa bantayog tuwing pagdiriwang ng “Araw ng Kalayaan” natin dapat ipakita ang ating pasasalamat sa ating mga bayani, kundi sa gawa.

Ang pagdiriwang taun-taon ay isang paalala sa atin na sa kasalukuyang laban nating ito, andiyan ang ating mga bayani na pagkukunan natin ng inspirasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?