30
ABANTE Marawi rehab senado
By

Kalagayan ng Marawi rehab bubusisiin ng Senado

Aalamin ng Senado ang usad ng rehabilitation program ng gobyerno para sa Marawi City.

Batay sa Senate Resolution No. 592 na inihain ni Senador Sonny Angara, sisilipin ng Senate Committee on Marawi City Rehabilitation ang master plan para sa pagbabangon ng lungsod at ng mga residente roon.

Hahalukayin din kung kumikilos na ang mga ahensiya ng gobyerno, dapat umano’y mayroon nang naumpisahan dahil tatlong buwan na mula nu’ng matapos ang Marawi siege.

Mayo 23 ng nakaraang taon nang guluhin ng Maute Group at Abu Sayyaf ang Marawi at Oktubre 23 natapos ang bakbakan.

Sa pagdurog ng mga awtoridad sa mga terorista, napulbos din halos ang lungsod at nawalan ng tirahan ang may 80 libong pamilya na katumbas ng 368,000 mga indibiduwal.

May ulat umano ang Department of Health na 86 ang namatay sa iba’t ibang evacuation center dahil sa mga karamdaman kaya naman kailangan na umanong apurahin ang ibibigay na tahanan sa mga ito.

Tinatayang P50 bilyon ang kailangan para maibangon ang Marawi sa loob ng tatlong taon.

Nakapaloob sa 2018 national budget ang paunang P10 bilyon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?