838

Dec 27, 2018 @ 11:43

Kalaban ni Pacquiao, arestado sa Florida

Matutuloy kaya ang title defense ni Manny Pacquiao sa susunod na taon?

Ito’y kasunod ng balita na naaresto ng mga awtoridad ang kanyang makakalaban na si Adrien Broner sa Broward County, Florida dahil sa outstanding warrant, ayon sa report ng TMZ.

Bunsod ito ng hindi pagsipot ng four division world champion sa korte para sa kanyang warrant sa kasong speeding, no registration, no driver’s license at no proof of insurance noon pang 2017.

Matagal nang tumatakas sa asunto si Broner, hindi ito ang unang pagkakataon na dinedma nito ang korte at noong Hulyo ay naaresto rin dahil sa parehong insidente.

Ngunit bukod pa dito, may kaso ring kakaharapin si Broner dahil umano sa $1.152M na utang nito sa isang jewelry shop, ayon sa BoxingScene.com.

Nangako umano si Broner na babayaran ang kabuuan ng milyong dolyar pagtapos ng laban nito kay Jessie Vargas noong Abril.

Ngunit tanging $100K lang ang umano’y naibayad ni Broner at tila wala nang planong bayaran pa ang malaking halaga.

Sa Enero 19 (20 sa Pilipinas) nakatakdang ganapin ang Pacquiao vs Broner sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. (Ray Mark Patriarca)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?