23

Jun 16, 2021 @ 11:03
By

Kakuntsaba sa LTO lagot! Fixer tiklo sa QC

Arestado ang isang fixer sa Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City nitong Martes.

Kinilala ang fixer na si Randy Albor, na naningil umano ng P4,500 para sa mas mabilis na pagproseso ng renewal para sa driver’s license. Ang hindi alam ni Albor ay tauhan na pala ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang kausap nito.

Dalawang oras lang umano ay na-release na ang lisensya dahil sa fixer.

Ayon kay ARTA director-general Jeremiah Belgica, sa oras na mapatunayang authentic ang driver’s license mula sa fixer ay papanagutin din ang mga kasama nito sa loob ng LTO.

Kakasuhan ang mga ito ng paglabag sa Republic Act 11032 o ang the Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 Section 21.

Nagtaka ang mga opisyal ng ARTA dahil mismong sa loob ng LTO headquarters umano ginawa ang lisensya na binayaran mula sa fixer.

“Nakikiusap din ako, actually, sa mga taong bayan. Huwag po natin kunsintihin ang mga fixers kasi ang korapsyon is a two-way street, eh,” ayon kay Belgica.

Nangako naman si LTO assistant secretary Edgar Galvante na iimbestigahan ang talamak na operasyon ng fixer sa kanilang ahensya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?