211

Jan 14, 2020 @ 14:50
By

Kakulangan sa pagbibigay babala sa Taal eruption, ipasisilip sa Kamara

Nais paimbestigahan ni Cavite Cong. Epildio “Pidi” Barzaga Jr. sa Kamara kung meron bang pagkukulang ang awtoridad na balaan ang mga residente ng Batangas at mga karatig lalawigan matapos ang mala-gulpi de gulat na pagputok ng Taal Volcano nitong Linggo.

“Filipinos were taken by surprise by the recent Taal Volcano eruption wherein the losses in terms of life and property are still unaccounted for,” wika ni Barzaga.

Ayon kay Barzaga, na chairman ng House Committee on Environment and Natural Resources, hindi niya isinasaisantabi ang posibilidad na may pagkukulang ang Philippine Institute Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa pagbibigay ng sapat na babala para sa mga residenteng naninirahan sa paligid ng bulkan lalo pa’t noong Marso 2019 nakataas ang Alert Level 1 sa Taal.

“Although Phivolcs has stated that it raised a warning of Level 1 since March of 2019, there is clearly a lack of dissemination of information in the hazards of volcanic activity of Taal Volcano to the general public,” saad ni Barzaga.

Giit ng kongresista, wala man lang paunang babala o kahit text message alert ang Phivolcs at National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa mga residenteng naninirahan hindi lamang sa paligid ng Taal kundi maging sa mga karatig lalawigan kagaya ng Cavite at Laguna ilang oras bago sumabog ang Taal noong Linggo ng hapon.

“There are no news bulletins or SMS alerts from Phivolcs and other concerned government agencies,” ayon kay Barzaga.

Paglilinaw naman ng Barzaga, hindi niya sinisisi ang Phivolcs kung sakali mang may pagkukulang ito sa pagbibigay ng babala kaya niya paiimbestigahan ito, kundi upang makapaglatag ang Kongreso ng mga panukalang batas upang mas maisaayos pa ang serbisyo ng nasabing ahensya.

Una nang hinimok ni House Majority Floor Leader Ferdinand Martin Romualdez ang pamunuan ng Phivolcs na sulitin nito ang inilaan na P221 milyong pondo sa ilalim ng 2020 national budget upang mas palakasin pa nito ang kanilang kakayahang mabigyang babala ang publiko sa mga paparating na sakuna kagaya ng pagsabog ng bulkan at lindol.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?