24

Jun 16, 2020 @ 15:51
By

Kakarampot na bawas-singil sa tuition fee, pinuna ni Duterte

Inusisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maliit na kaltas sa singil sa tuition fee ng mga pribadong paaralan kaugnay sa nalalapit na pasukan sa August 24,

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na nagtataka siyang halos hindi nabawasan ang bayad sa matrikula lalo na sa mga pribadong paaralan gayong walang mangyayaring face-to-face classes.

Hindi umano siya kuntento sa paliwanag ng Department of Education (DepEd) kaya mas mainam aniyang lawakan pa ang paliwanag para mabatid ng publiko, lalo na ng mga magulang, kung bakit halos hindi nagbawas sa singil sa matrikula.

“Mayroon tayong isang tanong on why there is only a small drop in tuition fees despite there being no face-to-face classes,” anang Pangulo.

Inaasahan ni Duterte na magpapaliwanag ang DepEd sa madla hinggil sa nasabing isyu sa mga darating na araw.

Inulit din niya ang posisyon na hangga’t walang bakuna laban sa COVID-19 ay hindi magpapatulad ng face-to-face class sa bansa.

Sa report naman ni DepEd Secretary Leonor Briones sa Pangulo, nasa 10.6 million na ang nakapag-enroll online simula June 1, pinakamaraming mula sa Calabarzon, National Capital Region, at Central Luzon.

Sinusuportahan aniya ng local government units ang bagong direksiyon ng pagtuturo, partikular ang blended learning matapos ipaliwanag sa mga ito ang mga hakbang ng DepEd dahil sa COVID-19 crisis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?