96

May 22, 2020 @ 21:41

Kakaibang graduation ng PMA, PNPA pinangunahan ni Duterte

Kakaibang seremonya ang idinaos sa graduation rites ng mga nakapagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) at Phippine National Police Academy (PNPA) dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019.

Sa pamamagitan ng virtual ceremony, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatapos ng mga kadete ng PMA Masidlawin Class of 2020 at PNPA Mandayog Class of 2020 nitong Biyernes ng gabi sa Malacañang.

Ang mga PMA graduate ay nasa Fort del Pilar, Baguio City, habang ang PNPA graduates naman ay nasa Camp Mariano Castañeda sa Silang, Cavite.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na saludo siya sa lahat ng mga nagtapos sa dalawang akademya dahil sa kabila ng matinding kinakaharap na problema sa COVID-19 pandemic ay nagawang makatawid ang mga kadete sa kanilang pag-aaral.

“Let me extend my warmest congratulations and best wishes for all of you who are graduating this day. I give you my salute, napakahusay ninyo. Hurdling the both police and being a soldier requires everything,” anang Pangulo.

Kahit aniya hindi nakasama ng mga kadete ang kanilang mga mahal sa buhay sa kanilang pagtatapos, hindi batayan ito para malungkot at panghinaan ng loob dahil hawak pa rin nila ang kanilang diploma na maaaring ialay sa mga ito sa sandaling matapos ang krisis.

Kasabay nito hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong opisyal ng PMA at PNPA na maging tapat sa Konstitusyon at sa bandila ng Pilipinas at panatilihin ang integridad at malasakit sa kapwa.

“Remain true to the sacred document (Constitution of the Republic of the Philippines) and remain as ever loyal to the Filipino flag,” dagdag ng Pangulo.

Kasabay nito, tumanggap ng regalong house and lot ang class valedictorians na sina 2nd Lt. Gemalyn Sugui ng PMA at Fire Insp. Lean Vanico Palermo (PNPA) mula sa Vista Land na pag-aari ni dating senador Manny Villar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?