51

Feb 1, 2018 @ 9:42
By

Kailangang magtrabaho ni Faeldon – NDRRMC

Bagamat nakakulong, kailangang pa rin umanong gampanan ni dating Bureau of Customs (BOC) chief Nicanor Faeldon ang kanyang trabaho bilang Deputy Administrator for Operations ng Office of Civil Defense (OCD).

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) spokesperson Mina Marasigan, patuloy ang orientation at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa responsibilidad ni Faeldon sa kanyang bagong tungkulin.

Si Faeldon ay nakapiit ngayon sa Pasay City Jail matapos ma-contempt sa Senado kaugnay sa kontrobersiyal na P6.4 billion shabu shipment mula China.

Iginiit ni Marasigan na mahalagang magkaroon ng kaalaman ang opisyal lalo’t sa ngayon ay may nararanasang kalamidad sa Albay bunsod ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Ayon pa kay Marasigan, ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng OCD kay Faeldon kung kailan gagawin ang orientation.

Pero ipinauubaya naman ng OCD kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pasya kung dapat na bawiin ang appointment na ibinigay kay Faeldon bilang deputy for administator for operations ng OCD.

Kamakalawa nang pormal nang ikulong sa Pasay City Jail si Faeldon matapos maglabas ng pinal na kautusan ang Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?