228
Kahulugan ng kalayaan, dapat suriin - obispo
By

Kahulugan ng kalayaan, dapat suriin – obispo

Hinamon ng pinuno ng Military Ordinariate of the Philippines ang mamamayan na suriin ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa kanilang buhay.

Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, mahalagang maunawaan ng tao ang kahulugan ng pagdiriwang ng kalayaan.

Naniniwala ang obispo na ang tunay na kalayaan ay ang kahandaan ng bawat isa sa paglilingkod sa kapwa at pagkalinga sa pangangailangan ng iba.

Aniya, kahalagahan ito ng pakikipagkapwa- tao sa halip na maging makasarili at tinatalikuran ang tungkulin sa kapwa.

Ayon pa sa obispo, makakamit ang tunay na kalayaan kung lalawak ang pagtingin sa paligid na nakahandang makihalubilo sa pamayanan at tugunan ang pangangailangan ng kapwa.

Ipinaalala rin ni Bishop Florencio sa lahat na manatiling kumapit sa Panginoon dahil si Hesus ang konkretong halimbawa sa pagiging tunay na malaya nang isinugo Siya ng Diyos Ama para makipamuhay sa mga tao at inako ang paghihirap sa ikatutubos ng sanlibutan.

Dahil dito umaasa ang pinuno ng Military Diocese na tutulungan ng Panginoon ang bawat isa na tanggapin ang tungkulin na nabubuhay ang tao hindi para sa sarili kundi para sa kapwa.

Una nang nagpahayag ng pagbati si Cebu Archbishop Jose Palma sa mga Filipino sa pagdiriwang ng ika – 121 Araw ng Kalayaan at umaasang matamo ng bawat mananampalataya ang tunay na kahulugan ng kalayaan na naaayon sa kalooban ng Panginoon at magdudulot ng pagkakaisa sa pamayanan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?