16

Sep 13, 2021 @ 11:40

Kahit walang SRA! Nurse todo-kayod para sa COVID patients

Maraming netizen ang naantig sa mga litrato ng isang nurse na halos kumulubot na ang balat matapos mababad nang matagal ang katawan sa personal protective equipment (PPE).

Sa isang isang Facebook post ni Che Domoguen, ipinakita niya ang kalagayan ng kanyang mister na si Glenn na frontliner sa COVID-19 ward ng isang pampublikong ospital sa Maynila.

Makikita sa mga naturang litrato ang marka ng face mask sa mukha ni Glenn at ang kulubot niyang ng mga daliri.

“Limang oras lang ang tulog, papasok na naman. 12-16 oras na pawisan sa loob ng mainit na PPE. Delayed SRA, tiis na lang alang-alang sa may mga sakit,” ani Che

Sambit pa niya, sa living room na lang ng kanilang bahay natutulog si Glenn at hindi na sumasabay sa kanila tuwing kumakain upang maiwasan ang COVID exposure.

Dagdag pa niya, kahit IT course ang tinapos ng kanyang mister, mas pinili nitong magsilbi bilang frontliner dahil alam umano ni Glenn na kailangan ang mga medikal na manggagawa ngayong pandemya.

“Ang pinagdadaanan ngayon ng lahat ng frontliners ay isang napakahirap na sakripisyo na kailangan naming gampanan upang maisagawa ang aming tungkulin sa aming mga pasyente,” ani Glenn.

“Hindi kakayanin ng aking konsensya na iwan sila sa gitna ng kahirapan at ganoon din sa mga kasamahan ko sa hospital,” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?