59

Sep 12, 2021 @ 15:12
By

Kahit tipirin: OVP tutulong pa rin – Robredo

Hindi umano magiging hadlang sa Office of the Vice President ang maliit na budget para hindi makatulong sa mga nangangailangan.

Ayon kay Bise Presidente Leni Robredo ngayong Linggo, sanay na sila sa maliit na budget at sanay na rin silang humanap ng paraan para makatulong gamit ito.

“Mula 2016, nasanay kami dito. Kung ano yung ibigay, pagkakasyahin namin. Yung kaliitan ng budget, hindi siya dahilan para di na kami makatulong,” wika ni Robredo.

“Ang dami naming natatanggap na requests galing sa iba’t-ibang local government units, pero di namin mapagbigyan dahil kulang naman ang aming pera. Kapag kayang ipagkasya, pinagbibigyan,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.

Para sa 2022, inaprubahan ng Budget Department ang pondong P713.41 milyon para sa OVP, na mas mababa kumpara sa P908.79 milyon ngayong 2021.

Bukod dito, maliit na porsyento lamang ito sa proposed 2022 national budget na P5.024 trilyon.

Kaya naman, may ibang mga mambabatas ang humihiling na dagdagan at gawing P1 bilyon ang pondo ng OVP sa 2022.

“Kami kung bigyan kami ng malaki, salamat. Kung hindi kami bigyan ng malaki, maghahanap kami ng paraan,” ayon pa kay Robredo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?