33

Aug 30, 2019 @ 18:29
By

Kahit tablado sa China: Duterte ‘di papa-rescue sa ibang bansa – Panelo

Walang plano ang Malacañang na humingi ng tulong sa international community para maobliga ang China na sumunod sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod na rin ito ng pagtabla ng China kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos igiit kay President Xi Jinping ang karapatan sa mga pinag-aagawang isla sa WPS alinsunod sa desisyong inilabas ng Permanent Court of Arbitration.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi na kailangang humingi ng suporta sa ibang mga bansa dahil kaya namang hawakan ng Pangulo ang usapin.

Matalino aniya ang Presidente at maayos namang napapangasiwaan ang usapin.

“I think the President is very smart enough. He is handling the conflict quite effectively,” ani Panelo.

Pinayuhan ni Panelo ang mga kritiko ng gobyerno na kung may naiisip silang ibang paraan para mapasunod ang China na kilalanin ang utos ng korte, mag-Presidente muna ang mga ito para magawa ang kanilang gusto.

Sa ngayon, ani Panelo, ay isusulong pa rin ng gobyerno ang inaakalang dapat gawin nang hindi makokompromiso ang relasyon ng Pilipinas at China.

“Those who may want to use other methods, I guess they have to run for the presidency, and be President and then apply what they want,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?