27

By

Kahit sinong SP, walang magbabago sa Palasyo, Senado – Roque

Sharing is caring!

Dumistansiya ang Malacañang sa umuugong na isyu ng napipintong palitan umano sa liderato ng Senado. Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, panloob na usapin ito ng Senado kaya hindi manghihimasok ang Pangulo kung plano ng mga senador na palitan ang kanilang Senate President.

“Nirerespeto naman po namin ang karapatan ng mga senador na pumili ng kanilang pinuno. So hindi po naghihimasok ang Presidente at ang Palasyo diyan sa proseso ng pagpili ng bagong Senate President,” ani Roque.

Kumpiyansa si Roque na walang mababago sa magandang relasyon ng Malacañang at Senado kahit pa magkaroon ng pagpapalit sa liderato ng nito.

Kung mapalitan man aniya si Senate President Koko Pimentel, wala aniyang epekto ito sa ehekutibo dahil kung si Senador Vicente Sotto ang papalit ay mahigpit na kaalyado naman ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ako naman po ay naniniwala at naniniwala po ang Palasyo na kahit sino pong mahalal na Senate President, at ang balita po ay Sen. Tito Sotto, ay napakalapit din pong kaalyado si Sen. Tito Sotto at wala pong magbabago sa malapit na samahan at sa kooperasyon na ngayon po ay mayroon sa panig ng Senado at ng Malacañang,” dagdag pa ni Roque.

Sa isang draft resolution ng Senado, 14 na mga senador ang pumirma para gawing Senate President si Sotto kapalit ni Pimentel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?