27

Sep 29, 2021 @ 16:15
By

Kahit pangalawa lang sa survey, Pangulong Duterte pa rin ang matinding kalaban sa susunod na eleksiyon – Palasyo

Si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang pinaka-mahigpit na kalaban sa pagka-bise presidente sa 2022 national elections.

Ito ang inihayag ng Malacañang kasunod ng survey ng Social Weather Stations kung saan pumangalawa ang Pangulo at nanguna si Senate President Vicente Sotto III.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang survey ay opinyon lamang ng publiko at hindi ikinakatawan ang pananaw ng buong sambayanan.

“The President remains the candidate to beat in the 2022 elections. Surveys are snapshots of public opinion at a particular point in time,” ani Roque.

Batay sa survey na ginawa noong September 6-11, naungusan ni Sotto ang Pangulo bilang top choice sa pagka-pangalawang pangulo sa markang 25% habang ang Pangulong Duterte ay nakakuha ng 14%.

Nakatakdang magsimula sa October 1, 2021 ang pagsusumite ng certificate of candidacy ng mga kandidatong nagnanais tumakbo sa halalan sa susunod na taon.

Si Pangulong Duterte ang inindorso ng PDP-Laban Cusi group para maging vice-president sa darating na eleksiyon na tinanggap naman ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?