52

Mar 2, 2020 @ 19:24
By

Kahit naka-quarantine, trabaho pa rin! Pinoy crew sa Diamond Princess, inonomina sa Bagong Bayani Award

Ino-nominate ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mahigit 400 Filipino crew ng M/V Diamond Princess cruise ship para sa Bagong Bayani Award dahil sa ipinakitang kasipagan at kalidad ng kanilang trabaho habang naka-quarantine sa Yokohama, Japan.

Sinabi ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, bumilib si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Pinoy crew ng M/V Diamond Princess dahil kahit naka-quarantine ang mga ito ay patuloy na nagtatrabaho at pinagsisilbihan ang mahigit 3,000 pasahero ng cruise ship.

Maging ang foreign employers aniya ng mahigit 400 Pinoy crew ay humanga dahil nakita ng mga ito ang kalidad ng trabaho at malasakit sa kanilang mga emplyedo.

“Iyong mga Diamond Princess seafarers sabi ni Sec. Bello nung isang araw, ino-nominate niya for the Bagong Bayani Awards. Kasi kung hindi n’yo naitatanong, while everybody on that ship was on quarantine, they were asked to work and serve the 3,000 plus passengers. I am not sure how… we ourselves can take that kind of a situation, naka-quarantine ka dapat, pero nagtatrabaho ka at naninilbihan ka pa rin,” ani Cacdac.

Ipinakita aniya ng Pinoy crew ang dedikasyon sa kanilang trabaho dahil kahit kasama ang mga ito sa inobserbahan habang naka-dock ang barko sa Yokohama ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang paninilbihan sa mga pasaherong sakay ng barko.

Sinabi ni Cacdac na hindi matatawaran ang sipag ng mga Pilipinong manggagawa dahil kahit tapos na ang duty ay nagtatatrabaho pa rin, na walang ipinag-iba sa iba pang OFWs na nasa iba’t ibang bansa.

Ang Bagong Bayani Award ay taunang ibinibigay sa mga natatanging OFW bilang pagkilala sa kanilang mga pagsisikap at pagsusulong ng imahe ng Pilipino sa ibang bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?