22

Nov 19, 2020 @ 8:51
By

Kahit may price freeze, karne, gulay nagmahal sa Isabela

Umakyat pa rin ang presyo ng baboy at gulay sa Isabela kahit pa nagpatupad na ng price freeze ang gobyerno sa mga lugar doon na todong binaha kamakailan.

Napaulat na mula P260 ay naging P280 hanggang P300 na ang kada kilo ng baboy sa pampublikong palengke sa City of Ilagan.

Habang P150 hanggang P200 naman ang halaga sa kada kilo ng bawang, luya, at sibuyas.

Dagdag P10 hanggang P20 naman ang halaga ng okra, ampalaya, sitaw, at kamatis.

Sabi ng mga manininda ng gulay, sa ulat ng PDI, kinailangan nilang taasan ang presyo ng kanilang produkto dahil bumibili sila sa mga supplier na mula pa sa labas ng rehiyon, gaya ng Cordillera at Gitnang Luzon.

Sa tala ng Department of Agriculture, hindi bababa sa P79 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura na dulot ng pagbaha sa Cagayan Valley.

Higit 15,800 magsasaka ang apektado ng mga baha na winasak ang nasa 11,512 ektarya ng mga bukirin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?