49

Feb 21, 2020 @ 15:14
By

Kahit mahal ni Duterte: Immigration head Morente ‘di pa lusot sa pastillas modus

Hindi pa rin lusot sa pananagutan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa nabunyag na ‘pastillas’ scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na naghihintay ng report si Pangulong Rodrigo Duterte at kapag may basehan ang report ay tiyak na paiimbestigahan niya agad ito.

Kahit pa aniya sinabi ng Pangulo na mahal niya si Morente dahil mabait ito, hindi ito makakaligtas sa posibleng pagkasibak kapag napatunayan ang nabunyag na anomalya ng kanyang mga opisyal at tauhan sa NAIA.

“Everyone is not off the hook. Meron din siyang bawi. Mahal ko siya pero nalusutan… It means he will be assessed on his performance. Kaya idi-discuss sa cabinet di ba? Siguro nag-aantay ng report si Presidente. ‘Pag may report pinapaimbestigahan kaagad,” ani Panelo.

Marami na aniyang tinanggal ang Presidente alinsunod sa prinsipyo ng command responsibility, at kung tiwala ito sa isang opisyal ay ililipat ito sa ibang posisyon na angkop sa kanyang kakayahan.

“Palagi namang ganyan si Presidente di ba. Marami siyang tinanggal, tinransfer kapag hindi mo kaya yung trabaho mo diyan sa isang lugar. ‘Pag may tiwala sa’yo si Presidente, ilalagay ka doon sa baka mas tama sa credential mo, kakayahan mo,” dagdag pa ni Panelo.

Ipinasibak ni Pangulong Duterte noong Miyerkoles ang lahat ng mga opisyal at tauhan ng BI na nakatalaga sa NAIA matapos mabunyag ang pastillas scheme sa mga pumapasok na Chinese sa bansa kapalit ang sampung libong piso para hindi na maisalang pa sa pagtatanong ng mga immigration personnel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?