77

Dec 9, 2019 @ 18:05
By

Kahit magpa-Pasko: DND ayaw ng ceasefire sa CPP-NPA

Nanindigan ang Department of National Defense (DND) na wala silang irerekomendang holiday ceasefire sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Ito ang kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa harap na rin ng muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Komunistang Partido.

Hindi nagbigay ng detalye si Lorenzana hinggil sa dahilan kung bakit hindi na sila magrerekomenda ng tigil-putukan bagama’t una na nitong sinabi na ginagamit lamang umano ito ng mga rebelde para makapagpalakas ng puwersa.

Samantala, sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Marine Brig Gen. Edgard Arevalo na bagama’t ginagalang nila ang pasya ng Pangulo bilang Commander in Chief, tuloy pa rin ang kanilang opensiba laban sa mga komunista.

Batid naman aniya nila ang layunin na matamo ang ganap na kapayapaan subalit kailangan umanong magpakita ang CPP-NPA ng sinseridad para maisakatuparan nito.

Giniit din ng AFP na hindi sila matitinag na sundin ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pulbusin ang puwersa ng mga rebolusyonaryo sa pamamagitan ng mga inilargang “localized peace talks” upang himukin umano ang mga ito na magbalik-loob sa pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?