49

Feb 24, 2021 @ 15:46
By

‘Kahit mababa efficacy rate, wala pang namatay sa Sinovac vaccine’

Ipinagmalaki ng kompanyang Sinovac Biotech na wala pang naitalang namatay sa kanilang bakuna kahit na nasa lampas 50% lamang ang efficacy rate o bisa nito.

Ito ang inihayag sa press briefing sa Malacañang ni Helen Yang, general manager ng Sinovac Hong Kong.

Sinabi ni Yang na simula nang gamitin ang kanilang bakuna sa China at 12 pang bansa ay walang naitalang nasawi sa paggamit ng Sinovac vaccine.

“There hasn’t been any fatal impact of relating to use of the vaccine,” ani Yang.

Sa ngayon aniya ay 12 bansa na ang gumagamit ng kanilang bakuna, pinakahuli dito ang Thailand at inaasahang aabot ito sa 15 bansa sa katapusan ng buwan.

Kabilang sa mga bansang gumagamit na ng Sinovac vaccine, ani Yang, ay ang Brazil, Turkey, Mexico, Chile, Indonesia, Thailand, Hong Kong, Colombia at ilan pang mga bansa sa Latin America.

Matatandaang marami ang may agam-agam na magpabakuna dahil sa takot na matulad sa insidente sa Norway kung saan 23 na may mga edad na ang nasawi matapos maturukan ng bakunang gawa ng Pfizer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?