16

Jan 13, 2022 @ 12:17
By

Kahit kapos sa medical staff! PGH ‘di hihirit ng timeout

Hindi hihingi ng timeout ang Philippine General Hospital (PGH) kahit maraming medical staff nila ang nagka-COVID-19 at lumagpas na ang kanilang bed capacity dahil sa dami ng mga pasyenteng ginagamot sa COVID-19.

Sinabi ni PGH Spokesman Dr. Jonas del Rosario na tuloy-tuloy lamang ang kanilang pagtanggap ng mga pasyente at hanggat kaya ng kanilang medical staff ay gagamutin ang mga pasyenteng maa-admit sa PGH.

“Wala po kaming time-out. Ang importante ay yung basic na sinasabi na bawat isa ay sundin yung minimum health standards at kung hindi importante ay huwag na munang lumabas dahil talagang napakalawig ng COVID sa ating kapaligiran. Mag-isolate kapag may nararamdaman para hindi makapanghawa,” ani Del Rosario.

Sinabi ng PGH official na tuloy-tuloy ang pasok ng mga pasyente at halos mapuno na ang kanilang inilaang bed capacity para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Tatlong daang bed capacity aniya ang inilaan nila sa para sa COVID patients at ngayon ay lampas na ang bilang ng mga na-admit sa PGH.

“Steady yung increase ng pasok ng pasyente namin. Ngayon 312 na yung naka-admit na pasyente sa PGH, samantalang nung December 25 tatlumpu lang so you can just imagine ten times na ang itinaas. Halos more than 90% capacity na kami,” dagdag ni Del Rosario.

Bukod pa aniya dito ang mga pasyenteng nasa emergency room na naghihintay ng mga bakanteng kama dahil sa dami ng mga pasyenteng may COVID19.

“May mga pasyente pa kami sa emergency room na dumadating na hindi pa namin nailalagay kasi puno na sa loob,” wika ni Del Rosario. (Aileen Taliping)

Bianca Umali binuyangyang ang katawan sa IG

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?