58

Feb 24, 2019 @ 16:04
By

Kahit ginarahe si Davis: Lakers walang binatbat sa Pelicans

Hindi itinanggi ni New Orleans Pelicans head coach Alvin Gentry na sadya ang pagpapaupo niya kay six-time All-Star Anthony Davis kahit wala itong iniindang injury.

Aniya, ito ay bilang paghahanda sa mga susunod pang laro kung saan hindi na nila makakasama ang superstar forward na matatatandaang nanghingi ng trade ngunit napurnada matapos hindi umabot sa deadline.

Itinanggi naman nito na hindi dahil Los Angeles Lakers ang kanilang kalaban kaya pinaupo si Davis, na naging maugong na trade destination ni Davis ngunit umatras ang LA dahil sa mataas na demand ng Pelicans.

“If you’re looking along the lines of having any significance because we’re playing the Lakers that had nothing to do with it,” ayon kay Gentry bago ang laro.

“It gives us an opportunity to minimize the minutes that he’s going to be playing and as a team we think that’s best for our franchise right now,” aniya pa.

Ngunit kahit wala si Davis, wala pa ring naging sagot ang Lakers sa balanseng atake ng New Orleans, pitong manlalaro ang nakasampa sa double digits para sa 128-115 win, Linggo ng umaga, oras sa Pilipinas.

Nanguna para sa New Orleans ang dating LA youngster na si Julius Randle na kumolekta ng 24 points at limang assists, samantalang ang veteran guard naman na si Jrue Holiday ang nagdikta ng laro sa kanyang 27 puntos at pitong assists.

Nagpakitang-gilas naman ang reserve forward ng Pels na si Cheick Diallo na sumungkot ng double-double performance, 18 points at 10 boards.

Nahirapang makasabay ang Lakers sa Pelicans, lumamang ng abot 20 puntos na naging mitsa para hindi na makabagon pa sa laro ang koponan ni LeBron James.

Nagtulungan sina James, may 27 points, 12 dimes at seven rebounds, at ang swingman na si Brandon Ingram na pumulot ng 29 markers, limang rebounds at tatlong assists.

Bagsak sa 29-30 kartada ang Lakers na kasalukuyang nasa ika-10 pwesto sa Western Conference, samantalang bahagyang gumanda ang record ng Pelicans sa 27-34.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?