24

Aug 23, 2021 @ 16:50
By

Kahit ECQ tapos na: Mga wala pang ayuda bibiyayaan

Tatanggap pa rin ng ayuda ang mga benepisyaryong dapat na makatanggap ng tulong mula sa gobyerno kahit tapos na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Laguna at Bataan.

Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng pangamba ng mga benepisyaryo na baka hindi na nila makuha ang ayuda dahil natapos na ang 15 araw na lockdown.

Sinabi ni Roque na tuloy-tuloy ang paghahatid ng ayuda hanggang sa maibigay lahat sa mga dapat tumanggap nito.

“Habang hindi nyo pa po natatanggap ang ayuda ninyo maski naibaba naibaba na sa MECQ ang classification, tatanggapin pa rin ninyo ang ayuda na intended para sa panahon ng ECQ,” ani Roque.

Kaugnay naman sa hirit ng mga wala sa listahan na sana mabigyan din sila ng tulong mula sa gobyerno, sinabi ni Roque na mayroong ibinibigay na tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nangangailangan.

“Para sa karagdagang ayuda, ang DSWD ay mayroong nakalaan na family food packs bilang karagdagang ayuda bukod doon sa naibibigay ng ating pamahalaan,” dagdag ni Roque.

Batay sa report ng Department of Interior and Local Government (DILG), nasa 75% na ang naipamahaging ayuda ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region, o katumbas ng 8.4 milyong kuwalipikadong mga benepisyaryo.

Ang mga naunang nakatapos sa pamamahagi ng ayuda sa NCR ay ang Caloocan City, habang nasa 70% na rin ang bayan ng Pateros, Mandaluyong City at Parañaque City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?