10

Jul 17, 2021 @ 15:54
By

Kahit blended learning: Pagpasok sa iskul ‘di sapilitan – DepEd

Hindi umano magiging mandatory sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan ang pumunta sa kanilang eskwelahan kahit pa ito ay pinayagan na ng Department of Education (DepEd) na magsagawa ng face-to-face classes o kahit blended learning.

Iyan ang pahayag ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio sa isang panayam ng Dobol B TV.

“Paano kung napili ang school namin [pero] ayaw ko ang anak kong papasukin?” wika ni San Antonio.

“Hindi po siya pipilitin. Siya po ay mag-online or distance learning pa rin,” aniya.

Dagdag pa niya, ang personal na pagpasok sa paaralan ay parte ng blended learning, ngunit maaari lamang ito kung low-risk na ang isang lugar sa COVID.

Nauna na rin iminungkahi ng Health Department na ang face-to-face classes ay isasagawa lamang sa lugar na walang bagong kaso ng virus sa loob ng isang buwan.

“Maliwanag naman na kung may mataas na risk hindi papayagan [ang face-to-face classes.] Ang listahan namin ang pagkakaunawa namin is 100 areas around the country [ang target] para mabigyang tuon ang concern sa mga paaralan na ito,” dagdag pa ni San Antonio.

Nitong Biyernes ay inanunsyo ng DepEd na magbubukas ang klase sa Setyembre 13.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?