393

Jan 19, 2021 @ 10:54
By

Kahit bigyan ng prangkisa, ABS-CBN hindi bubuksan – Duterte

Sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi niya papayagan na muling magbukas ang ABS-CBN kahit pa mabigyan ito ng panibagong prangkisa hangga’t hindi nababayaran ang mga pagkakautang sa buwis sa gobyerno.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang regular na mensahe sa bayan sa kabila ng mga inihaing resolusyon ng ilang senador at kongresista para mabigyan ng panibagong prangkisa ang TV network.

Bagama’t hindi pinangalanan, sinabi niyang kahit pa mabigyan ng limanlibong prangkisa ang kumpanya ay hindi niya ipatutupad ito kung hindi mababayaran ang lahat ng atraso sa gobyerno.

Una nang sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na “regular” na nagbabayad ng buwis ang ABS-CBN sa mga nagdaang taon.

“There will be no opening. I assure you na lahat ng franchise ‘yan hindi i-implement —hindi ko i-implement ‘yan hanggang they settle their full accounts with the government,” anang Pangulo.

“For all I care, you can have a thousand franchise. You will not see the light of day there until you come to government with clean hands,” dagdag niya.

Pinagsabihan din ng Presidente ang ilang mambabatas na pabor mabigyan ng prangkisa ang TV network na bago magbukas ay kailangan munang makipag-usap sa kanya ang mga may-ari nito.

Huwag aniya siyang piliting gawin ang hindi naaayon sa batas dahil kailangan munang linisin ang kanilang papel sa gobyerno bago muling magsimula ng operasyon.

” Sabihan nyo yang amo ninyo, bayaran ang tamang buwis. And before opening we will have a short, very short serious talk. Just because you give them a franchise, it does not follow that all of their misdeeds in the past are condoned and forgiven ” dagdag ng Pangulo.

Hindi rin pinalagpas ni Duterte ang isyu sa lupang kinatitirikan ng Kapamilya network na aniya ay 44,000 square meters subalit ang pinalitaw sa kanilang isinumiteng dokumento sa gobyerno ay apat na ektarya lamang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?