131

Dec 22, 2017 @ 13:49
By

Kahit ayaw bumiyahe, Duterte tutungo ng India sa Enero

Bibiyahe sa bansang India si Pangulong Rodrigo Duterte sa unang buwan ng 2018 para dumalo sa Indian-Asean Special Commemorative Summit sa New Delhi, India.

Ito ay sa kabila ng naunang pahayag na ayaw na niyang bumiyahe lalo na sa mga malalayong bansa dahil nahihirapan na siya bunsod ng kanyang edad at nakakaramdam din ng pagkahilo.

Sinabi ng Pangulo na tumanggi na siyang bumiyahe subalit hinimok siya ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tumuloy dahil ang Pilipinas lang ang walang representasyon kapag hindi siya dumalo.

“I hate to travel. Madali akong mahilo. Nagpu-puke pa ako minsan and add to the spinal trouble that I have. But I have to attend… ‘yung, well whatever it is, heads of state. I have to represent.

“Now, this is India. Nag-beg off ako. Problem is tayo lang pala ang walang representation so the Department of Foreign Affairs is urging me to go there because India is a big market,” ang pahayag ng Pangulo.

Matatandaang si DFA Secretary Alan Peter Cayetano ang ipinadala ng Pangulo sa mga mahahalagang kumperensiya o aktibidad sa ibang bansa para maging kinatawan ng Pilipinas tulad ng United Nations General Assembly sa New York noong Setyembre.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na ikinonsidera nito ang malaking merkado ng India para sa mga produkto ng Pilipinas at kailangan niya ring tugunin ang imbitasyon ni Indian Prime Minister Narendra Modi nang dumalo ito sa katatapos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit noong Nobyembre. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?