228

Jun 25, 2019 @ 15:29
By

Kagaya lang ni Duterte! Locsin hindi pagagalitan sa ‘boba’ tweet kay Robredo

Walang plano ang Malacañang na pagsabihan o paalalahanan si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang matalas na pananalita lalo na sa social media.

Kasunod ito ng mensahe ni Locsin sa kanyang Twitter kung saan tinawag na “boba” si Vice President Leni Robredo dahil sa komento nito sa isyu ng pagkansela ng DFA sa diplomatic passport ng mga dating opiyal ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na humingi na ng dispensa si Locsin at inamin ang pagkakamali kaya hindi na aniya dapat na palakihin pa ito.

Katunayan aniya dapat hangaan ang kalihim dahil umamin ng kasalanan at paghingi ng dispensa.

“Nag-apologize na nga siya eh. From the point of view of the outside world, ok itong mamang ito because he admits his mistake and makes an apology to the offended person. Napakahirap mag-admit ng mistake and he shoud be credited for that by apologizing,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na kilala si Locsin na matalas ang pananalita gaya nina dating senator Miriam Defensor Santiago at Pangulong Rodrigo Duterte, subalit hindi naman aniya nabawasan at naapektuhan ang trabaho nito bilang kalihim ng DFA.

“He is known for his colorful language, just like the late senator Mirriam was, in the same way that the President is also known for that. But it doesn’t diminish his competence to act as secretary of foreign affairs. It has not affected his work,” dagdag pa ni Panelo.

Kung sa tingin aniya ng Palasyo ay hindi karapat-dapat si Locsin sa kanyang puwesto dahil sa kanyang pagiging matalas ang dila ay hindi na sana siya inilagay ni Pangulong Duterte sa puwesto.

Sa kaso naman ni Robredo, sinabi ni Panelo na posibleng mali ang naging interpretasyon nito sa ginawang pagkansela sa diplomatic passport ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario o kung hindi man ay posibleng nagkamali ang staff nito na kalimitang abogado sa kanilang pagsaliksik.

“Mali lang siguro ‘yung kanyang interpretasyon. Ang tingin ko nagkamali lang si VP, either nagkamali siya ng understanding o baka nagkamali ng research ang mga abogado niya,” wika pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?