53

By

Kagawad tinuldukan ang buhay ng riding-in-tandem

Patay ang isang barangay kagawad matapos itong malapitang pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman habang lulan ng kanyang traysikel, Lunes ng gabi sa Legazpi City, Albay.

Dead-on-the-spot matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang nakilalang si Allan Del Ayre, kagawad ng Barangay Bitano ng nabatid na lungsod.

Sa ulat na pinadala ni Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa harapan ng Happy Homes Subdivision sa Barangay Pawa ng lungsod na ito.

Lulan ng kanyang traysikel ang biktima at pagsapit sa nabatid na lugar ay isang hindi pa kilalang lalaki na armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang lumapit dito at agad itong pinagbabaril.

Nang masigurong wala ng buhay ang target ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa motorsiklong naghihintay sa kanya hindi kalayuan sa lugar ng insidente.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang mga posibleng motibo sa pagpatay sa biktima habang patuloy din ang pagkalap ng mga maaring maging saksi sa naganap na krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?