120

Jul 6, 2019 @ 19:15
By ,

Kaewpin, Valdez, Creamline kontra PetroGazz sa finals

Pasok na rin sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Reinforced Conference ang Creamline Cool Smashers nang walisin nito ang Pacific Town-Army 25-12, 25-18, 25-13 sa Game 2 ng semifinals Sabado sa Ynares Center sa Antipolo.

Nanguna para sa tropa si Thai import Kuttika Kaewpin na pumalo ng 12 puntos, mula sa 12 attacks habang umalalay naman si Alyssa Valdez na may 11 markers, sa likod ng walong attacks at tatlong aces.

Makakaharap ng defending champs sa best-of-three finals seri ang PetroGazz Angels na una nang sumampa sa championship round matapos dispatsahin ang BanKo Perlas 25-23, 25-18, 25-17 sa unang game ng sarili nilang best-of-three semis.

Magsisimula ang titular showdown sa Miyerkoles, Hulyo 10, sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Talon sa 9-1 bentahe ang Cool Smashers tungo sa pagsikwat ng first set win, na nagtuloy-tuloy hanggang nakawin ang laro sa loob lamang ng tatlong sets.

“If we wanted to reach the finals, we have to play as a team. We had to step up each player from the bench, on the court, even our coaching staff we all have to bring every kind of game in this semifinals,” sabi ni opposite hitter Michelle Gumabao, may walong puntos.

“Medyo bumaba ‘yung game namin in the last three games but today we proved that we’re ready for the finals here in the PVL.”

Rumehistro naman ng 11 puntos si Ukrainian import Olena Lymareva-Flink para sa Lady Troopers, na makakaharap ng BanKo Perlas sa Battle for Third sa Miyerkoles din.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?