10,380

Mar 2, 2020 @ 16:10
By

Kaduda-duda! Guwardiya ng immigration, P7.8M ang net worth!

Pinasasailalim ng Senado sa lifestyle check ang isang security guard na diumano’y sangkot sa kontrobersiyal na “pastillas” scheme dahil sa pagkakaroon nito ng net worth na aabot sa P7.8 milyon.

Sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations ang gender quality, inusisa ni Senadora Risa Hontiveros si Fidel Mendoza, security guard ng Bureau of Immigration (BI), kung bakit P7.8 milyon ang net worth nito.

“Security guard pero P7.8 milyon ang net worth n’yo?” tanong ni Hontiveros kay Mendoza.

Si Mendoza ay isa sa mga kanang kamay diumano ni dating BI Deputy Commissioner Marck Red Marinas na nauna nang inakusahan ni Immigration Officer Allison “Alex” Chong na nasa likod diumano ng “pastillas” money-making scheme.

Ayon kay Mendoza, salary grade 5 lang siya sa BI at may buwanang suweldo na P11,000 subalit umaabot umano sa P31,000 ang kabuuan niyang tinatanggap dahil may augmentation allowance na P20,000 kada buwan.

“Salary Grade 5 po Mam, P11,000 plus augmentation pay na P20,000, total na P31,000 a month,” sagot ni Mendoza sa tanong ni Hontiveros.

Dahil hindi kumbinsido sa paliwanag ni Mendoza, inirekomenda ni Hontiveros na isailalim ito sa lifestyle check.

Pinabulaanan pa ni Mendoza na naging chief of staff siya ni Marinas noong panahon na BI Deputy Commissioner pa ito subalit naging ‘trusted man’ umano siya nito.

“Hindi po (naging chief of staff). Staff niya po ako, lahat ng mino-monitor mga staff sa Port Operations Division, kasama po niya ako sa meetings,” lahad ni Mendoza.

“Hindi ko masabing kanang kamay. Malaki siguro ang tiwala niya sa akin, pag may mga ganoon po kasama niya ako palagi. Basta katiwala ganun po, trusted man,” sambit pa nito.

Unang ibinunyag ni Chong na isa si Mendoza sa mga tao ni Marinas na nagpapatakbo diumano ng ‘pastillas’ scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang iba pa sina Erwin Ortañez, Glenford Comia, Bien Guevarra at Den Binsol.

Iginiit naman ni Mendoza na wala siyang alam tungkol sa sinasabing “pastillas” raket ng ilang tiwaling immigration officer ng BI.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?