58

By

Kabit stickers sa mga motorsiklo, ilulunsad sa Luneta

Maglulunsad ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mga stickers na ilalagay sa mga motorsiklo upang makilala ang mga clean riders sa mga naglipanang motocycle riding suspect o riding in tandem.

Sa ginanap na Pandesal Forum na pinangasiwaan ni Wilson Lee Flores, sinabi ni NCRPO Director, Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, na sa Agosto 1, 2018 ay kanilang ilulunsad ang mga sticker na ilalagay sa mga motorsiklo at ito ay gaganapin sa Grandstand sa Luneta sa Maynila.

Layunin ng mga ilalagay na sticker sa motorsiklo na agad na makilala ang masasamang elemento na gumagamit ng naturang sasakyan sa kanilang mga iligal na gawain.

Aniya, sa naturang sticker ay makikilala ang clean rider at mapapabilis na rin ang proseso kapag ang mga ito ay daraan sa checkpoints na itinayo ng mga awtoridad.

Bingyang-diin ni Eleazar na ang mga naturang sticker ay walang bayad at boluntaryo lamang.

Aniya, bagama’t hindi umano maiiwasan na may mga tao, partikular ang masasamang elemento, na posibleng gayahin ang naturang sticker o magkabit ng peke, may kaakibat na kopya naman umano ito sa lisensiya ng mga nagmamay-ari ng mga motorsiklo.

“Halimbawa, ninakaw ng mga kriminal ang motorsiklo mo, hindi pa rin sila makakatakas sa mga awtoridad dahil kailangang ipakita nila ang lisensiya nila. Unless, pati lisensiya mo ay ninakaw din,” paliwanag ni Eleazar.

Kasabay nito, naglabas na rin ng mga sticker ang NCRPO chief na ikakabit sa mga sasakyan at ipakakalat sa mga barangay sa bansa na may nakasaad na “Pulis na Abusado, Pusher at mga Loko, Agad i-send mo sa Team NCRPO sa Cellphone Nos. 09158888181 para sa Globe at 09999018181 para sa Smart”.

Ayon kay Eleazar, layunin naman nito na maibalik ang magandang imahe ng kapulisan at maparusahan ang police scalawags at maikulong din ang masasamang elemento sa lipunan. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?