255

Nov 2, 2017 @ 18:45

Kabilin-bilinan ni Duterte kay Roque: Huwag magsinungaling!

Dalawang bagay lamang ang mahigpit na bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte kay acting Presidential Spokesman Harry Roque.

Sa kanyang kauna-unahang press briefing sa Malacanang kahapon, sinabi ni Roque na mahigpit ang bilin sa kanya ng Pangulo na gawin ang tama para sa bayan at huwag magsisinungaling.

Nagkaharap at nagkausap aniya sila ni Pangulong Duterte sa Japan hinggil sa bago nitong trabaho at binilinan siyang isaalang-alang lagi ang kapakanan ng publiko.

“Nagkaharap po kami noong 27 ng Oktubre at saka magkasama po kami sa Japan. Sabi niya po simple lang ‘no: ‘Gawin ang tama para sa bayan at huwag na huwag magsisinungaling doon tayo sa totoo,” ang pahayag ni Roque.

Tiniyak naman ng bagong kalihim na magtutulungan sila ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar at magdadala siya ng Deputy Presidential Spokesperson para hahalili sa kanya kapag mayroong biyahe sa ibang lugar.

Ipinahiwatig din ni Roque na mayroong ibang posisyong ibibigay sa kanya si Pangulong Duterte subalit tumanggi munang ihayag ito dahil ang Presidente aniya ang mag-aanunsiyo nito.

“I think I would rather wait until the President issues my formal appointment papers. It’s just an advisory position that would not be incompatible with the Cabinet appointment,” ang dagdag na pahayag ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?