564

Jan 24, 2018 @ 20:12
By

Kabayanihan ng SAF 44, huwag kalimutan – Palasyo

Hinikayat ng Malacanang ang publiko na makiisa sa “National Day of Remembrance” ngayong Huwebes bilang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng madugong sinapit ng 44 na commando ng Philippine National Police -Special Action Force o mas kilala bilang SAF 44 sa Mamasapano Maguindanao.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na tiwala siyang makakamit ng pamilya ng SAF 44 ang hinihintay na hustisya at mapanagot ang mga opisyal na nagpain sa SAF 44 sa kapahamakan na humantong sa kanilang malagim na kamatayan.

“Today as the nation observes Day of National Remembrance we will pay homage to the fallen 44 SAF heroes.It is the administration’s hope to finally bring justice to the victims and families of the Fallen 44 and put closure to the issue,” ani Andanar.

Matatandaang naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation no. 165 na nagtatakda sa January 25 kada taon bilang National Day of Remembrance para gunitain at kilalanin ang kabayanihan ng SAF 44 sa pagpatay sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at Basit Usman.

Ayon sa Pangulo, ang kabayanihan ng mga pulis at sundalo ang magpapaalala sa sambayanan sa mga sakripisyong ginagawa ng mga para matiyak ang kaligtasan ng sambayanan laban sa mga kalaban ng estado.

Dahil sa malagim na Mamasapano incident ay kinasuhan sa Sandiganbayan sina dating Pangulong Benigno “noynoy” Aquino III, retired PNP Chief Alan Purisima at dating PNP SAF Director Getulio Napenas . (aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?