80

Nov 6, 2017 @ 15:07

Kabayan Partylist, may gusot pa rin kahit wala na si Roque

Tuloy ang panloob na gulo sa Kabayan Partylist kahit wala na sa Kamara ang isa sa dating kinatawan nito na si Harry Roque.

Si Roque ay itinalaga bilang bagong presidential spokesman noong Oktubre 28.

Pero sa isang statement, sinabi ni Roque na hindi maaaring pumalit sa kanya bilang kinatawan ng Kabayan ang mga nominee na itinutulak ni Rep. Ron Salo.

Paliwanag nito, sa party congress noong October 28 ay hindi kinilala ang nominees na isinumite ni Salo na sina Atty. Ciriaco Calalang, Paul Hernandez at Joshua Sebastian.

Sabi ni Roque, si Sebastian ay na-impeach at pinatalsik sa Kabayan Partylist sa ginanap na special party congress noong Pebrero habang sina Calalang at Hernandez ay kapwa hindi umano miyembro ng grupo dahil hindi dumaan ang dalawa sa proseso ng nomination at acceptance salig sa kanilang constitution and by-laws.

Ang tatlong nominees ay aprubado lamang umano ng Board of Trustees na inorganisa ni Salo.

Ayon naman sa kampo ni Salo, ang gusto ni Roque na humalili dito ay ang Chief of Staff nitong si Romel Bagares na ni hindi naman aniya miyembro ng kanilang partylist.

Iginiit ng kongresista na ipipilit nilang mapalitan si Roque ng lehitimong nominee na kanilang isinumite noon sa Commission on Elections. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?