134

Oct 15, 2017 @ 18:13

Kabahayan sa Malabon, nilamon ng apoy

Sa isang iglap, walong pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga kabahayan sa lungsod ng Malabon kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Malabon City-Bureau of Fire Protection Insp. Efren Calumag, ganap umanong alas-10:30 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Shell Houses sa kahabaan ng Lapu-Lapu Highway, Barangay Longos ng nasabing lungsod.

Nag-umpisa umano ang sunog sa isang bahay na katabi ang isang party needs store na may hydrogen gas tank na ginagamit sa paggawa ng lobo.

Bago iyon ay sumingaw umano ang nasabing tangke na sakto namang may nagluluto sa kabilang bahay at pagsindi ng kalan ay doon na nag-apoy ang hangin hanggang sa dapuan na ang mga kagamitan at pader na kahoy ng mga kabahayan.

Mabilis na kumalat ang apoy na agad iniakyat sa ika-tatlong alarma. Pasado alas-12:30 na ng tanghali nang ideklarang fire-out ang sunog.

Tatlo ang sugatan sa insidente na kinilalang sina Lorita Bugacia, Argel Pilar at Arlene Hipolito.

Ayon sa arson investigators, tinatayang nasa mahigit P100,000 na halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?