87

Dec 7, 2017 @ 14:11
By

JV kay PNoy: Magpaliwanag ka sa meeting mo sa Sanofi

Nanawagan ngayon ni Senador Joseph Victor Ejercito kay dating Pangulong Benigno “Noy” Aquino na magpaliwanag na ukol sa pakikipagpagpulong nito sa mga opisyal ng kumpanyang Sanofi Pasteur na binilhan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Kritikal umano ang paliwanag ng dating pangulo dahil may alegasyon na dahil sa pakikipagkita nito sa mga opisyal ng Sanofi kaya naging mabilis ang pagbili ng anti-dengue vaccine noong panunungkulan nito kahit hindi pa garantisadong ligtas ang bakuna.

Binigyang-diin naman ni Ejercito na wala siyang anumang paratang laban kay Aquino.

“Hindi naman sa pinagbibintangan natin siya pero siyempre mainit ang issue talagang hindi mo maiiwas na pag-iisipan na bakit before the procurement, bakit nagkaroon ng dalawang meetings,” ani Ejercito.

“Baka naman coincidence pero mas maganda na siya na lang ang mag-explain kung bakit nagkaroon ng ganung meeting,” dagdag nito.

Diumano’y nakipagpulong si Aquino sa mga opisyal ng Sanofi sa Beijing, CHina noong dumalo siya roon ng APEC meeting nung Nobyembre 9, 2014.

Gumawa rin umano ng paraan para makausap ni Aquino ang mga opisyalng Sanofi nung magtungo siya sa Climate Change Summit sa Paris, France noong Disyembre 2, 2015.

Kasunod ng nasabing mga pulong, inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng bakuna noong Disyembre 22, 2015 at pitong araw mula nito, Disyembre 29, 2015, ipinalabas ng Department of Budget and Management ang P3.5 bilyon para sa pagbili ng bakuna.

“Bakit kailangan magkaroon ng meeting before the procurement, yun nga ang talagang mabigat dito kung talagang may mga shortcuts,” dagdag ni Ejercito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?