24

Sep 24, 2021 @ 12:59
By

JV Ejercito muling tatakbo sa pagka-senador

Muling sasabak sa senatorial race si dating senador Joseph Victor “JV” Ejercito sa Eleksiyon 2022.

Idineklara ni Ejercito ang kanyang senatorial bid sa isang virtual press conference, isang linggo bago ang paghahain ng certicate of candidacy (COC).

Ayon kay Ejercito, na nabigong makapasok sa Top 12 ng senatorial election noong 2019, nais niyang ipagpatuloy ang kanyang adbokiya sa Universal Health Care (UHC) at infrastructure development sa bansa.

“Ang pagtakbo ko ngayon ay dahil sa panahon na mas kinakailangan akong andun sa Senado, mas kailangan ngayon na mabigyan ng importansiya ang UHC,” sabi ni Ejercito.

“Ilalaban ko na ibigay agad what is due to our health workers. Ito ang mga dahilan kung bakit kayq ako nagdedesisyon na muling humarap sa ating mga kababayan at kumandidato pagkasenador sa halalan 2022,” dagdag nito.

Gamit ang kanyang 2019 campaign slogan ng “The Good One”, sinabi ni Ejercito na muli niyang itataya ang kanyang malinis track record bilang isang public servant.

“Ihaharap ko ulit ang aking track record bilang senador mula 2013 to 2019 bago po ‘yun ay bilang mayor at congressman ng San Juan mula 2001,” ani Ejercito.

“At higit sa lahat, ang aking track record na walang bahid na pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kahit kapos sa panggastos sa kampanya, ang aking malinis na pangalan at aking track record ang aking magiging pambato sa halalan,” sambit pa nito.

Matatandaan na sinisi ni Ejercito ang kanyang half-brother na si dating senador Jinggoy Estrada sa pagkatalo noong 2019 election. Tumapos si Ejercito na pang-13 sa senatorial race habang pang-115 naman si Jinggoy.

Sabi ni Ejercito, kinonsulta niya ang kanyang ama na si dating Pangulong President Joseph “Erap” Estrada bago magdesisyong muling sumabak sa pagtakbo sa pagka-senador sa 2022.

“Sabi nya ayaw na niyang makialam sa aming dalawa dahil kung kakampi sya sa isa sasama ang loob ng isa. Sabi nya, ‘bahala na kayo malalaki na kayo, kung gusto mo talaga sige kung ano ang maitutulong ko sabihin mo na lang sa akin’,” sabi ni Ejercito.

“I get the signal na pumayag naman siya, he respected my decision to run again for the Senate,” dugtong pa nito.

Sa Lunes, Setyembre 24, inaasahan namang maghahayag din si Jinggoy ng kanyang plano para sa 2022 election. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?