34

Jul 14, 2021 @ 13:23
By

JV balik-Estrada sa kanyang senatorial bid

Posibleng magkaroon ng dalawang Estrada sa listahan ng mga tatakbo sa pagka-senador sa 2022 national election.

Ito’y matapos aminin ni dating Senador Joseph Victor “JV” Ejercito na gagamitin niya ang apelyido na kanyang amang si dating Pangulo at Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sakaling matuloy ang kanyang muli sa pagka-senador sa susunod na eleksyon.

“Kailangan pareho [Ejercito-Estrada]. Kasi pag Ejercito lang hindi kilala sa rural areas. Bagsak ako sa survey ngayon kasi Ejercito lang,” pahayag ni Ejercito sa kanyang mensahe sa Abante.

Kung pinal na ang desisyon ni Ejercito na sumabak sa kanyang senatorial bid, asahan nang dalawang Estrada ang makikita sa balota sa susunod na halalan.

Nauna nang nagpahaging ang half-brother ni Ejercito na si dating Senador Jinggoy Estrada na muli siyang tatakbo sa pagka-senador sa 2022.Sabi pa ni Jinggoy, mas gugustuhin niyang iisang Estrada na lang ang tumakbo pagka-senador para hindi umano malito ang mga botante tulad nang nangyari noong 2019 elections kung saan naapektuhan ang kanilang boto dahil sa pareho silang tumakbo.

Sa 2019 senatorial election parehong natalo sina JV and Jinggoy. Si Ejercito ay nagtapos bilang pang-13 habang pang-15 naman si Jinggoy. Sa ngayon wala pang pinal na desisyon ang dalawa sa kanilang pagtakbo sa 2022 election.

Sakaling matuloy sa kanyang senatorial run, kumpiyansa naman si Ejercito na mananalo siya dahil sa kanyang malinis na pangalan at magandang track record.

“Mananalo tayo. Malinis pangalan ko at may performance. Ganito rin nung 2019. Come from behind bigla sisipa,” sabi ni Ejercito.

Si Ejercito ang principal author sa Senado ng mga landmark na batas tulad ng Universal Health Care Law at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Ang kanyang half-brother na si Jinggoy ay nahaharap pa rin sa kasong plunder kaugnay ng kontrobersiyal na “pork barrel scam”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?