83

By

Justice Tijam, naatasang humawak sa petisyon kontra ML extension

Si Supreme Court (SC) Associate Justice Noel Tijam ang naatasang humawak ng petisyon laban sa muling pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Nabatid sa isinagawang raffle sa Korte Suprema, napunta kay Tijam ang petisyong inihain ng mga mambabatas mula sa “Magnificent 7” sa Kamara de Representantes laban sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2018.

Nauna nang inirekomenda ni Tijam kay Chief Justice Maria Lourdes na atasan ang kampo ng mga respondent na magsumite ng komento sa petisyon.

Natiyempo kasi na naka-recess ang en banc session nang maihain ang petisyon kaya idinaan sa rekomendasyon sa Punong Mahistrado ang pag-aksyon sa kaso.

Sa tatlong-pahinang kautusan na pirmado ni SC En Banc Clerk of Court Atty. Felipa Anama, sampung araw ang ibinigay ng Korte Suprema sa mga respondent para magsumite ng komento.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Senate President Aquilino Pimentel III, House Speaker Pantaleon Alvarez, Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Budget Secretary Benjamin Diokno at Armed Forces of the Philippines Chief-of-Staff General Rey Leonardo Guerrero.

Kasama sa mga naghain ng petisyon sina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Edgar Erice, Teddy Brawner Baguilat, Gary Alejano at Emmanuel Billiones.

Hiniling ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o ng writ of preliminary injunction para pigilan ang pagpapatupad ng panibagong martial law extension. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?