By

Justice De Castro, sinampahan ng ethics complaint

Sharing is caring!

Ipinagharap ng ethics complaint ng grupong Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) si Supreme Court (SC) Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro.

Sa limang-pahinang liham ni Jocel Camarillo-Quilban, hiniling nito sa SC En Banc na imbestigahan at patawan ng kaukulang parusa si De Castro.

Ito ay dahil sa posible umanong paglabag ni De Castro sa confidentiality ng deliberasyon sa loob ng court session.

Kasunod ito ng naging testimonya ni Atty. Larry Gadon sa impeachment proceedings sa Kamara de Representantes na ang source umano ng mamamahayag na si Jomar Canlas ng impormasyon sa kanyang isinulat na istorya sa kaso ng Senior Citizen Partylist Group kaugnay sa nangyaring deliberasyon sa loob ng SC En Banc noong Mayo 2013 ay si De Castro.

Sa ilalim ng Rule 9 at Rule 10 ng SC Internal Rules, sakop ng confidentiality ang ponente ng isang kaso at ang naganap sa deliberasyon ng en banc.

“Considering the unauthorized leak of these confidential Court matters, it is most respectfully requested that the Honorable Court En Banc forthwith look into this matter and investigate the Hon. Justice De Castro. Should it be found that the Hon. Justice de Castro was the cause of, or had participation in, the leakage of confidential Court matters, she should be penalized accordingly by this Honorable Court En Banc…” ang bahagi ng reklamong inihain ng FATE.

Tumukoy pa ang FATE ng mga jurisprudence o naunang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa mga mahistrado at hukom na isinailalim nito sa disciplinary proceedings.

Nauna nang itinanggi ni De Castro na siya ang source ni Canlas sa nangyaring deliberasyon ng SC En Banc kung saan tinalakay ang kaso ng Senior Citizen Partylist group. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?