108

Nov 28, 2017 @ 16:49
By

Justice De Castro, gigisahin sa pagsalang sa Kamara

Sa inaasahang pagharap ni Associate Justice Teresita de Castro, sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na susulitin ng komite ang kanyang presensiya na matanong sa lahat ng nalalaman nito sa mga alegasyon ni Atty. Larry Gadon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Tiniyak din ng House Justice Committee na rerespetuhin nila ang mga mahistrado ng Korte Suprema na dadalo sa pagdinig sa impeachment complaint laban kay Sereno.

Ayon kay Umali, isasaalang-alang ng mga kongresista ang pagiging co-equal branch ng Supreme Court.

“We ought to accord her respect which is expected of us in dealing with a co-equal official of a different branch of government,” sabi ni Umali.

Aminado naman si Umali na baka kulang ang isang araw sa pagtatanong pa lamang nila kay De Castro.

Ito ay dahil maituturing aniyang “most explosive” ang ibabahagi nitong kaalaman patungkol sa mga paratang kay Sereno partikular sa umano’y binagong mga resolusyon.

Makailang beses binanggit ni Gadon ang pangalan ni De Castro sa mga alegasyon nito sa impeachment complaint laban sa punong mahistrado. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?