143

Oct 20, 2017 @ 22:00

June Mar tuloy ang paghahari

Lalo pang hinatak ni San Miguel Beer center June Mar Fajardo ang kanyang PBA record nang makopo ang pang-apat na sunod na MVP trophy kahapon sa PBA Leo Awards sa Smart Araneta Coliseum bago ang Game 4 sa Governors Cup Finals sa pagitan ng Ginebra at Meralco.

Naangatan ng 6-foot-10 na tinaguriang “The Kraken” ang mga kapwa-Beermen na sina Chris Ross at Alex Cabagnot.

Natablahan ng 27 anyos ang mga alamat ng liga na sina Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio na natapos ang karera na may tig-apat na MVP din. Pero siya ang pinakabatang nakagawa nito.

Hindi pa rin masyadong masaya si Fajardo dahil sa pagkabigo ng SMB na makuha ang Grand Slam ng season nang di man lang makalagpas sa quarterfinals ng Governors Cup.

“Goal namin talaga mag-champion this conference, pero hindi ibinigay, e,”” sabi ni Fajardo.

Nagpapasalamat pa rin siya sa award. “Thankful ako sa mga teammates ko, coaches, mga fans. Para sa kanila kaya ako nag-tra-try ng best every game,” wika niya.

Pagkatapos ng season kung saan nakakuha ang Beermen ng dalawang kampeonato, nakasama ni Fajardo sila teammates Ross, Cabagnot at Arwind Santos sa First Mythical Team kabilang din si Japeth Aguilar ng Ginebra.

Iyon din ang kauna-unahang pagkakataon na apat na teammates ay nasa First Mythical team.

Si Fajardo ay naiboto rin para sa All-Defensive Team kasama sila Gabe Norwood ng Rain or Shine, Jio Jalalon ng Star, Ross at Aguilar.

Ang iba pang pinangaralan ay sila Roger Pogoy (Rookie of the Year), Norwood (Sportsmanship awardee), at Ross (Most Improved Player). (Clarence Constantino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?