1,210

Oct 17, 2017 @ 12:44

Julia Barretto gusto nang humiwalay sa sariling pamilya?

Nagbunga na ang pagiging masinop ni Julia Barretto sa mga kinikita niya sa showbiz ngayong mag-uumpisa na ang construction ng ipapagawa nitong bahay.

Nagposte ang ina ng Kapamilya star na si Marjorie Barretto sa kanyang Instagram account ng long shot ng anak habang nasa likod nito ang isang lote na tinakpan ng tolda.

Nakaturo pa sa ere ang kamay ni Julia na nagpapahiwatig ng pag-i-introduce niya sa property na nasa likod niya.

Sinabi rin mismo ni Marjorie sa caption ng photo niya ang nasabing property ng anak na uumpisahan na.

@marjbaretto, “Julia’s home construction has started. Thank you lord for answering her prayers.”

Kabilang na si Julia sa ibang mga Kapamilya actresses na mayroon nang sariling bahay na naipundar na nila gaya nina Angeline Quinto, Bea Alonzo, Kim Chiu, Maja Salvador, Julia Montes, Angelica Panganiban at iba pa.

Ibig bang sabihin nito na hihiwalay na si Julia sa piling ng mommy Marjorie niya at mga kapatid kapag natapos na ang kanyang bahay?

Sa totoo lang, mula nang nakipag-ayos si Julia sa isyu niya sa kanyang amang si Dennis Padilla at iniurong na nito ang request niya sa korte na tanggalin ang Padilla sa kanyang pangalan at gawin na lang itong Barretto, parang nawala ang malas sa karera ng dalaga.

At mula noo’y bumalik ang good vibes at suwerte sa showbiz career ng aktres.

Sa ngayon, maayos na ang samahan ni Dennis at ng kanyang mga anak kay Marj.

Ken Chan walang interes sa babae

Mas gusto raw ni Ken Chan na maging kaibigan na lang ang kanyang mga nagiging leading lady sa mga ginagawang show kesa ligawan at gawin itong girlfriend.

Unang naging malapit si Ken kay Bea Binene matapos mag-break ang young actress at ang ka-love team niyang si Jake Vargas.

Naging close rin si Ken kay Barbie na nakasama niya sa ‘Meant To Be’ sa GMA 7 at ngayon ay leading lady niya sa lalabas nilang movie, ang ‘This time I’ll Be Sweeter’ sa direksyon ni Joel Lamangan para sa Regal Multimedia Inc.

Ayon kay Ken, hindi raw siya talaga nagkakainteres sa mga babaeng taga-showbiz dahil alam niyang busy ang mga ito sa kanilang trabaho katulad niya.

Hindi rin daw niya gustong magkaroon sila ng conflict o problema dahil sa trabaho.

Kaya sa halip na ligawan, mas gusto na lang daw ni Ken na gawing bestfriend ang mga gaya nina Barbie at Bea.

Para tuloy may pagkakaparehas sina Ken at Enchong Dee ng ABS-CBN 2. Si Enchong ay bestfriend nina Bea Alonzo at Maja Salvador.

Sa ganda ng dalawang Kapamilya star, marami ang nanghihinayang na hindi man lamang pinormahan ni Enchong ang isa sa dalawa.

Pero mas ginusto ni Enchong na maging kaibigan na lang ang mga ito para hindi raw sila magkalayo.

Anyways, happy si Ken sa companionship ni Barbie lalo’t nagkakatulungan silang dalawa sa kanilang love team sa pelikula man o sa telebisyon.

Barbie Forteza puring-puri ang BF na si Jak Roberto

Kahit pa nga pino-promote ni Barbie Forteza ang team-up nila ni Ken Chan para sa lalabas nilang movie na ‘This Time I’ll Be Sweeter’ na prinodyus ng Regal Multimedia Inc. at dinirehe ni Joel Lamangan, game pa ring sumagot ang Kapuso actress sa mga tanong tungkol sa current boyfriend niya ngayon na si Jak Roberto.

Sa tanong kung wala bang pressure sa pagitan ng lovelife nila at trabaho, masayang sumagot ang aktres na napaka-supportive raw ang aktor sa kanya.

Sey pa ni Barbie, kapag nag-uusap raw sila sa telepono ni Jak, ito pa raw ang nagsasabing unahin muna nito ang trabaho o pagbabasa ng script at saka na lang sila magtsikahan pagkatapos.

Supportive raw si Jak sa kanyang mga schedule na kahit hindi raw sila nagkikita nito, naiintindihan daw ng boyfriend niya ang sitwasyon.

Wala rin raw itong nararamdamang selos sa team-up nila ni Ken. Alam daw kasi nitong trabaho ito at kailangan nilang i-promote ang kanilang pelikula.

Magkaibigan daw sina Ken at Jak kahit noon pang magkakasama sila sa isang show na nagwakas na sa GMA 7.

Tanggap at aprubado raw ng pamilya niya si Jak kaya wala kahit na anong problema sa kanilang relasyon.

Sasagot pa sana ng iba pang tanong si Barbie tungkol sa relasyon nila ni Jak, napigilan lang ito ng kanyang handler.

Nitong mga nakaraang buwan lang nagsimula ang lovelife ng dalawa ng i-post ni Barbie ang sagot niya sa panliligaw sa kanya ng aktor.

Nasa ibang bansa si Barbie nang ipaskil niya sa Instagram ang isang larawan na nagpapahiwatig ng pagtanggap at pagmamahal niya kay Jak.

Ai Ai nagpatutsada sa mga retokado sa showbiz

Nagpasaring si Ai Ai delas Alas sa mga retokadong beauty sa showbiz na napapanahon naman dahil sa isyu kay Xander Ford na matapos sumailalim sa plastic surgery ay nag-viral ito at naging showbiz celebrity.

‘Yun nga lang, kaliwa’t kanan ang isyu ng ‘hate’ kay Xander dahil sa magkakasunod na kapalpakang ginawa nito. Una ay ang pagyayabang nitong hindi maggi-guest sa taping ng show ni Vice Ganda pag hindi pinapasok ang kanyang entourage.

Ang pangalawa ay ang video nito na tinawag niyang “sakang” si Kathryn Bernardo. Ginagawa ang video noong Marlou pa lang ang retokadong internet sensation.

Anyway, kaya naman nagpasaring si Ai Ai sa kanyang post sa Instagram ay dahil pinupuri nito ang itsura ng kanyang nag-iisang anak na dalaga na si Sophia.

Nakapaskil sa IG ng komedyante ang close-up shot ng anak na naka-dark matte lipstick.

Hindi napigilan ni Ai Ai ang sarili na purihin ang sariling dugo at sinabihang mag-artista na ito lalo’t natural ang beauty nito kumpara sa ibang nagparetoke.

@msaiaidelasalas, “Ganda ng anak ko..hahahaha (love your own)..mag-artista ka na nak tutal di ka naman masasaktan sa mga bashers mo..nice start yun..may talent ka naman..iba nga nagparetoke lang artista na @sophdelasalas.”

Tanging ang panganay lang ni Ai Ai na si Sancho ang pumasok sa showbiz at ngayo’y isa sa casts ng ‘Ang Probinsyano’ ni Coco Martin.

Sumuporta at pinuri rin ng mga followers at fans ni Ai Ai ang ganda ni Sophia. Umaayon din ang mga itong mag-artista na ang dalaga.

Pero ang isa pang binata at ang nasabing dalaga ng komedyana ay piniling mamuhay na lang sa likod ng kamera.

Masasabi rin namang retokada si Ai Ai pero hindi nga lang sa mukha, kundi sa katawan kung saan sumailalim siya dati sa liposuction.

Iya Villania, napasayaw sa tuwa sa ginawa sa gym!

Nagsasayaw sa tuwa sa kanyang video na pinost sa Instagram si Iya Villania na tila may selebrasyong nangyari nang mga sandaling ‘yun.

Ang pinanggalingan ng kasiyahan ng ‘My Korean Jagiya’ at Kapuso host ay ang matagumpay niyang pagbuhat ng mabigat na barbell.

Unang makikita sa video ni Iya sa gym ay ang preparasyon niya para sa gagawing weightlifting.

Nang makaporma, itinaas ni Iya ang barbell at parang wala lang na nabuhat niya ang mabigat na bakal sa magkabilang gilid.

Kahit si Iya mismo ay hindi makapaniwalang nagawa niyang buhatin ang barbell na kaya lang buhatin ng mga maskuladong lalake.

Kaya naman nagtatalon ito sa tuwa at napasayaw kasama ang mga masaya rin niyang kasamahan sa success ng aktres.

@iyavillania, “When you hit a new PR and your whole @avantgardecrossfit family celebrates with you.”

Nagpasalamat si Iya sa kanyang coaches at sa mga naka-high five fitness trainers niya.

Mabigat talaga ang weights na binuhat ni Iya. Ganito rin ang binuhat noon ni Angel Locsin na nag-viral at pinuri ang lakas niya.

Kinailangan lang itigil ng aktres ang training para sa ‘Darna’ na dapat sana’y siya ang magbibida dahil sa problema sa spine nito.

Kaya ang pumalit sa kanya sa ganitong training ay si Iya na hindi mo aakalain dahil sa payat ng pangangatawan nito, parang isang barako ang lakas sa pagbuhat ng mabigat na bakal. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?