18

Nov 6, 2018 @ 16:25
By

Judiciary lusot sa PhilHealth sa kabayanihan ni Tolomia

Mga Laro sa Miyerkoles:

(JCSGO gym/Cubao)

2 p.m. – Ombudsman vs NHA

3:30p.m. – Malacañang-PSC vs Agriculture

5p.m. – Senate vs AFP

Standings:

Group A: AFP (4-0), Senate (3-1), PNP (3-2), PITC (2-3), DOJ (1-3), GSIS (1-4)

Group B: NHA (3-1), DA (3-1), Malacañang-PSC (3-1), PhilHealth (2-3), Judiciary (2-3), Ombudsman (0-4)

Lusot na sa second round ng eliminations ang two-time champion Judiciary Magis nang alpasan ang PhilHealth Plus, 98-93, sa 7th UNTV Cup nitong weekend sa Pasig City Sports Center.

Pinangunahan ni dating Ginebra player na si Chester Tolomia ang tropa na pumoste ng 31 puntos para sa Magis na nasa two-game streak.

Magkasosyo sa ikalawang pwesto ang Magis at PhilHealth Plus sa identical 2-3 win-loss records pero nasungkit ng Magis ang fourth spot ng Group B dahil sa ‘winner over the other’ rule.

Ang Malacañang-Philippine Sports Commission ay naipwersa ang three-way tie sa Group B sa tropa ng Department of Agriculture nang manalo ito kontra sa National Housing Authority, 63-62, habang ang Philippine National Police ay tinapos ang Group A elims na bitbit ang 3-2 na baraha matapos manalo kontra Department of Justice, 89-77.

Magkakasosyo na ngayon Malacañang, NHA at DA na may 3-1 na kartada.

Bukod kay Tolomia, naging sandalan din ng Magis si dating PBA player Warren Ybanez na tumapos ng 23 puntos, pitong steals, anim na rebounds at apat na assists habang si Jonathan Aldave naman ang nanguna sa PhilHealth na may 33 puntos.

Nagningning naman si Joseph Besa sa Malacañang na pumoste ng 19 puntos, apat na rebounds at dalawang assists.

Sa panig naman ng PNP si Olan Omiping ang naging bayani na may 26 puntos at 12 rebounds.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?